Mga Guhông Paikid
Salin ng “Las ruinas circulares” ni Jorge Luis Borges (Jorge Francisco Isidoro Luis Borges) mulang Argentina.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.
At kung lumisan siyang pinapangarap ka. . .
—Sa pamamagitan ng Salamin, VI
Wala sa kaniyang nakakita nang lumunsad sa sinang-ayunang gabi, walang nakakita sa barotong de-kawayan na lumubog sa sagradong banlik, ngunit ilang araw pa’y ni walang nakabatid na ang tahimik na lalaki’y nagmula sa Timog at ang kaniyang bayan ay isa lamang sa walang hanggahang nayon paakyat sa mabalasik na gilid ng bundok, na ang kawikaang Zend ay hindi pa nababahiran ng Griyego at bibihira pa roon ang may ketong. Ang malinaw ay hinagkan ng abuhing lalaki ang putik, inakyat ang pampang nang hindi hinawi man lamang ang mahahalas na tambo na humihiwa sa kaniyang balát (marahil ay manhid), at gumapang nang hilo at sugatan paakyat sa paikot na moog na may putong na batong tigre o kabayo, na kung minsan ay kulay apoy at ngayon ay abo. Ang bilog na ito ay templong nilamon ng sinaunang lagablab, ginahis ng malamok na gubat, at hindi na pinagdarasalan pa ng mga tao ang anito. Nag-unat ang banyaga sa lilim ng pedestal. Napukaw siya ng sinag ng araw sa itaas. Hindi siya nagulat nang matuklasang naghilom ang kaniyang mga sugat; ipininid niya ang maputlang paningin at humimbing, hindi dahil sa kahinaan ng lamán bagkus sa katatagan ng isip. Batid niyang ang templong ito ang pook na kailangan ang kaniyang makapangyarihang lunggati; batid niyang ang walang humpay na mga punongkahoy ay nabigong bigtihin ang mga guhô ng isa pang pinagpalang templo sa dulong ibaba na dating angkin ng mga anito na ngayon ay sunóg at patay; batid niyang ang kaniyang kagyat na tungkulin ay managinip. Nang sumapit ang kalagitnaan ng gabi’y napukaw siya sa balisang huni ng ibon. Ang mga bakás ng mga walang-saping talampakan, ang ilang igos at mga kantara, ay nag-iwan ng pahiwatig sa kaniya na ang mga lalaki ng rehiyon ay mapitagang naniktik habang siya’y natutulog, dumulog sa kaniyang proteksiyon o natakot sa kaniyang mahika. Nanlamig siyang saklot ng pangamba, at naghanap ng nitsong libingan sa guhong pader para magkubli sa mga di-matukoy na dahon.
Hindi imposible ang lunggating gumabay sa kaniya, bagaman sobrenatural. Ibig niyang mangarap ng tao; ibig niyang mangarap nang buong katapatan sa pinakamaliit nitong kabuuan at ipataw sa kaniya ang realidad. Ang mahikong proyektong ito ang nakapagpapagod sa buong lawak ng kaniyang kaluluwa; kung may sinong magtanong sa kaniya ng pangalan niya, o kaya’y usisaing magsalaysay ng ilang pangyayari hinggil sa kaniyang buhay, ay ni hindi siya makatutugon. Angkop sa kaniya ang templong giba at di-pinananahanan, dahil taglay nito ang minimo ng nakikitang daigdig; angkop din sa kaniya ang pagkamalapit ng mga manggugubat, dahil siya’y nabibigyan ng mga payak na pangangailangan. Ang kanin at prutas na ibinibigay nila sa kaniya ay sapat upang lumakas ang kaniyang pangangatawan, na konsagrado sa tanging tungkuling matulog at mangarap.
Sa umpisa’y magulo ang kaniyang mga panaginip; pagdaka’y nagiging diyalektiko ang kalikasan. Napanaginip ng banyagang siya’y nasa sentro ng paikid na ampiteatro na wari bang sunog na templo; punô ng mga tahimik na estudyante ang mga hanay ng upuan; ang mga mukha ng pinakamalayo ay nakatanaw sa distansiya ng ilang siglo at kasingtaas ng bituin, ngunit tiyak ang hugis ng anyo. Ang lalaki’y idinikta ang mga leksiyon ng anotomiya, kosmograpiya, at mahika: pigil-hiningang nakinig ang mga mukha at sinikap sumagot nang tila nakauunawa; na parang nahulaan nila ang halaga ng eksaminasyon na hahango sa isa sa kanila mula sa kondisyon ng bigong anyo at magpapaloob sa kaniya doon sa tunay na mundo. Ang lalaki, tulog man o gising, ay pinag-isipan ang mga sagot ng kaniyang mga multo, at hindi pumayag na linlangin ng mga impostor, at sa ilang masalimuot na bagay ay nakadama ng lumalagong karunungan. Naghanap siya ng kaluluwang karapat-dapat makilahok sa uniberso.
Makalipas ang siyam o sampung gabi ay naunawaan niya nang may pait na wala siyang maaasahan sa kaniyang mga estudyante na nilunok nang pasibo ang kaniyang doktrina, ngunit may maaasahan siya sa ilang mag-aaaral na paminsan-minsang nagkakalakas-loob na sumalungat sa kaniya. Ang unang pangkat, bagaman karapat-dapat tumbasan ng pagmamahal at kalinga, ay hindi makaigpaw sa antas ng mga indibidwal; at ang ikalawa’y umiral bago pa ang yugtong mataas-taas na antas. Isang hapon (ang mga hapon ngayon ay inilalaan sa pagtulog, at ngayon ay gising lamang siya nang ilang oras sa umaga), pinalis niya nang ganap ang malawak na lawas ng mga estudyante at pumili lamang ng isa. Siya ang di-palaimik, maputlang bata, na kung minsan ay matigas ang ulo, at ang matitingkad na katangian ay kahawig ng nananaginip sa kaniya. Hindi nakatigatig nang matagal sa bata ang kagyat na pagpapaalis sa mga kapuwa niya disipulo; at pagkaraan ng ilang pribadong leksiyon ay ikinagulat ng kaniyang maestro ang progreso ng tinuturuan. Gayunman, naganap ang sakuna. Bumangon isang araw ang tao mula sa kaniyang pagtulog, waring galing sa disyertong malapot, tumingin sa walang silbing liwanag ng hapon na mabilis niyang inakalang mula sa madaling-araw, at nabatid na hindi siya nananaginip. Sa buong gabi at buong araw ay lumukob sa kaniya ang hindi matiis na linaw ng insomniya. Sinikap niyang maglagalag sa gubat, nang mabawasan ang lakas. Halos maidlip siya sa mga katas ng dita, subalit ang mga panaginip ay lukob ng panandalian, sinaunang bisyong pawang walang silbi. Sinikap niyang tipunin ang lawas ng mga estudyante subalit hindi pa man siya nakapagsasalita nang mahaba’y nasira ang anyo nito at nabura. Sa kaniyang halos walang hanggang pagbabatantay, sinilaban ng mga luha ng poot ang kaniyang paningin.
Nabatid niyang ang paghubog ng magulo at maligoy na bagay na bumubuo sa mga panaginip ang pinakamahirap gawin ng tao, bagaman dapat niyang arukin ang lahat ng hiwaga ng ordeng superyor at imperyor: higit na mahirap kung ihahambing sa paglubid ng buhangin o paghugis ng walang mukhang hangin. Nabatid niyang hindi maiiwasan ang pangunang kabiguan. Sumumpa siyang kalilimutan ang dambuhalang alusinasyong yumanig sa kaniya, at umisip ng bagong paraan ng pagdulog upang mapanumbalik ang lakas na nilustay ng deliryo. Iwinaksi niya ang pagbabalak ng pananaginip at halos magtagumpay agad sa pagtulog nang mahaba sa bawat araw. Sa ilang beses na nanaginip siya sa panahong ito, hindi niya binigyang pansin ang mga ito. Bago ipagpatuloy ang gawain, hinintay niya ang kabilugan ng buwan. Pagdaka, nang sumapit ang hapon, dinalisay niya ang sarili sa tubig ng ilog, sumamba sa mga diyos ng mga planeta, binigkas ang mga kataga ng makapangyarihang pangalan, at natulog. Halos agad niyang napanaginip ang pusong tumitibok.
Napanaginip niya ang makislot, mainit, malihim, halos kasukat ng kuyom na kamao at kulay granate sa loob ng penumbra ng katawan ng tao na wala pang mukha o ari; at sa loob ng labing-apat na malinaw na gabi ay napanaginip niya ito nang may mapanuring pag-ibig. Bawat gabi’y sinasagap niya ito nang higit na malinaw. Hindi niya ito hinipo: sinipat lamang niya ito, tinitigan, at paminsan-minsang sinulyapan. Sa ikalabing-apat na gabi’y hinipo niya ang ugat ng pulmon sa pamamagitan ng hintuturo, at pagkaraan, ang buong puso, loob man o rabaw nito. Nagalak siya sa pagsusuri. Sinadya niyang hindi managinip nang isang gabi: muli niyang kinuha ang puso, inusal ang pangalan ng planeta, at inisip pagkaraan ang iba pang pangunahing organ. Sa loob ng isang taon ay nakabuo siya ng kalansay at pilik. Pinakamahirap marahil ang di-mabilang na buhok. Pinangarap niya ang buong tao, isang kabataan na hindi umuupo o nagsasalita, at hindi kayang dumilat. Gabi-gabi, siya ang pinapangarap ng tao.
Sa mga kosmogoniyang nostiko, ang mga demyurgo ay humubog ng pulang Adan na hindi makatindig; marupok, sinauna, at elemental gaya ng Adan ng abo ang Adan ng mga Panaginip na pinanday sa mga gabi ng mago. Isang hapon, halos wasakin ng isang tao ang kaniyang buong obra, ngunit pagkaraan ay nagbago ang isip. (Nakabuti marahil kung tuluyang winasak niya yaon.) Nang magawa na niya ang lahat ng pananambitan sa mga anito ng lupain at ilog, napaluhod siya sa paanan ng epihiye ng animo’y tigre o kabayong potro at humingi ng di-mabatid na saklolo. Kinagabihan, napanaginip niya ang estatwa. Napanaginip niyang buháy ito at kumakatal: hindi iyon bastardo ng tigre at kabayong potro, bagkus supling ng dalawang masilakbong nilalang bukod sa toro, rosas, at bagyo. Ang maramihang diyos na ito ay nagpakilala sa kaniyang Apoy, at sa paikid na templo (at sa iba pang gaya nito), naghahain ng sakripisyo ang mga tao at sumasamba, at mahiwagang bubuhayin niya ang pinapangarap na kaluluwa, sa paraang ang lahat ng nilalang, maliban sa Apoy at sa nananaginip, ay maniniwalang ito ang tao na may buto’t laman. Iniutos niyang sa sandaling ang tao na ito ay maturuan sa lahat ng ríto, dapat siyang ibalik sa ibang guhong templo na ang mga templo ay nakatindig pa rin sa kailaliman, upang may tinig na pupuri sa kaniya sa iniwang edipisyo. Sa panaginip ng tao na nananaginip, nagising ang pinananaginipan.
Tinupad ng mago ang lahat ng iniutos sa kaniya. Ginugol niya ang ilang panahon (na maitatakdang dalawang taon) sa pagtuturo sa kaniya ng mga misteryo ng uniberso at kulto ng apoy. Palihim siyang nasaktan na mahiwalay sa kaniya. Ikinatwiran ang pangangailangan sa pagtuturo, nadagdagan bawat araw ang bilang ng oras na nakalaan sa pananaginip. Itinuwid niya ang kanang balikat, na tila laylay. May mga sandali, na nababagabag siyang ang lahat ng ito ay dati nang naganap. . . . Sa pangkalahatan, masasaya ang araw niya; kapag pumikit siya’y naiisip: Ngayon ay magkakaroon na ako ng anak. O kung minsan: Naghihintay sa akin ang supling ko at hindi siya makaiiral kung hindi ako sasama sa kaniya.
Dahan-dahan niyang nakasanayan ang realidad. Minsan ay inutusan niya siyang itirik ang bandera sa malayong taluktok. Kinabukasan, wumawagayway na sa taluktok ang bandera. Sinubok niya ang iba pang kahawig na eksperimento na higit na mapangahas. Nabatid niya nang may pait na ang kaniyang anak ay handa nang isilang, at marahil ay apurado. Nang gabing iyon ay hinagkan niya sa unang pagkakataon ang anak at inutusang magtungo sa ibang templo, na ang mga labî ay pumuputi sa dulong ibaba, sa kabila ng ilang milya ng masalimuot na kagubatan at latìan. Bago niya gawin ito (upang hindi mabatid ng kaniyang anak na kaluluwa lamang siya, saka isiping tunay na tao siya gaya ng iba), winasak niya ang lahat ng gunita nito sa mga taon ng pagsasanay.
Lumabo ang kaniyang tagumpay at kapayapaan dahil sa pagkabato. Sa pagitan ng takipsilim at madaling-araw ay nanikluhod siya sa batong pigura, at inisip-isip marahil ang tunay na anak na magsasagawa ng kahawig na ríto sa iba pang paikid na guho sa kailaliman; at sa gabi’y hindi na siya nananaginip, o nanaginip gaya ng iba pang tao. Waring naging mapusyaw ang pagsagap niya sa mga tunog at anyo ng uniberso: ang kaniyang nawawalang anak ay pinasisigla ng pagdupok ng kaniyang kaluluwa. Naganap na ang layon ng kaniyang buhay; at nanatili siya sa ekstasis. Makalipas ang ilang panahon, na kinalkula ng ilang tagapagtala sa ilang taon o sa ilang dekada, pinukaw siya isang gabi ng dalawang mananagwan; hindi niya maaninag ang kanilang mga mukha, ngunit isinalaysay nila sa kaniya ang mahiwagang lalaki sa templo sa Hilaga, na kayang maglakad sa gitna ng apoy nang hindi nalalapnos. Biglang naalaala ng mago ang winika ng diyos. Nagunita niyang sa lahat ng nilalang na lumaganap sa mundo, tanging ang Apoy ang nakakikilala sa kaniyang anak na isang kaluluwa. Ang gunitang ito, na sa una’y nagpakalma sa kaniya, ay nagwakas sa pagpapahirap sa kaniya. Nangamba siyang kung hindi pagbubulayan ng kaniyang anak ang di-pangkaraniwang pribilehiyong ito, sa ilang pagkakataon ay matutuklasan niyang siya’y isa lamang simulakro. Ang hindi maging tao, ang maging tatak na anyo lamang sa mga panaginip ng ibang tao, ang walang kaparis na kahihiyan at kabaliwan! Sinumang ama ay interesado sa mga anak niyang isinilang (o pinayagang ipanganak) dulot ng pagkalito sa galak; likás lamang na ang mago ay mangamba sa kinabukasan ng anak na pinag-isipan niya ang bawat katangian, ang bawat tabas, sa loob ng sanlibo’t isang gabi.
Nagwakas agad ang kaniyang pangangamba, ngunit nang may tiyak na babala. Ang una (matapos ang mahabang tagtuyot), lumitaw ang isang malayong ulap, magaan gaya ng ibon, at humimpil sa gulod; pagkaraan, doon sa Timog, ang kalangitan ay nagkulay rosas na waring gilagid ng mga leopardo; dumating pagdaka ang kulumpon ng usok na pinakutim ang metal ng mga gabi; at dumating ang mga balisang pagaspas ng nangagliliparang hayop. Dahil ang mga naganap noong nakaraang mga siglo ay nagaganap muli. Ang mga guho ng santuwaryo ng diyos ng Apoy ay winasak ng apoy. Nakita ng mago, sa bukang-liwayway na walang mga ibon, ang paikit na apoy na dumidila sa mga pader. Naisip niya agad na magkubli sa tubig, ngunit naunawaan niyang sasapit ang kamatayan upang maging korona ng kaniyang matandang edad, at palalayain siya sa kaniyang mga pagpapagal. Lumakad siya tungo sa rabaw ng lagablab. Hindi nilamon ng apoy ang kaniyang lamán, bagkus hinaplos-haplos lamang siya, at umapaw sa kaniya nang walang init o pagsabog. Naunawaan niya nang maluwag, nang may pagkapahiya, at nang may pagkahindik, na siya ay isa ring ilusyon, at may ibang tao ang nananaginip sa kaniya.
Filed under:
halaw,
katha,
salin,
Tulang Tuluyan Tagged:
anito,
bathala,
diyos,
guho,
kaluluwa,
kuwento,
manunulat,
paikid,
salin,
sining,
templo,
tula,
Tulang Tuluyan